"Why should we never forget?"

Photos and Interviews by Angelica Carballo

InterAksyon contributor Angelica Carballo posed this question to guests at the opening on September 14 of Himagsik at Protesta, an exhibit of Martial Law memorabilia at the University of the Philippines.

 

Ghay Portajada, 36, Desaparecidos

Dahil ito ay isang madilim na bahagi ng ating kasaysayan at madami dito ang nagbuwis ng  buhay. Marami din ang naging biktima ng sapilitang pagdukot sa ngalan ng kalayaan ng sambayanan. Kaya ito ay di natin dapat kalimutan at dapat nating laging tandaan upang ito ay ‘di muling maulit sa ating kasaysayan, ang sinapit noong diktaduryang Marcos.”

 

Ipe Soco, 25, Hustisya

‘Yung mga krisis, patuloy na paglabag sa karapatang pantao, pagpapatuloy ‘yan ng impunity na ipinamana noong sinasabing pinakamadilim na bahagi ng ating kasaysayan. Kaya magandang balik-balikan ang Martial Law dahil ‘yung mga tao noon ay ‘di naman nagpatalo sa takot dahil sa pasismo ng estado ni Marcos noong implementation ng Martial Law. Sa halip lumaban sila at ‘yung paglaban na ‘yun ang pinag-ugatan ng paglaban ng mga aktibista ngayon. Patuloy na nakikibaka sa lupa, sa sahod, sabi nga lumang tugtugin na ‘yan, pero wala naman talagang pagbabago.”

 

Satur and Lito Ocampo, political detainees and torture victims during Martial Law

Satur Ocampo: “Ang deklarasyon ng Martial Law ay ginawa para maiwasan ni Marcos ang malamang na pagbagsak ng gobyerno sa lumalaking protesta, pero ang pagtugon ay sobra-sobra sa sinasabi ng Konstitusyon. Totoong may authority siya na mag-declare ng Martial Law, pero sa pag-implement ng todo-todo, isang tao lang siyang gumagawa ng batas, at ginamit ang military para sikilin ang mamamayan, ay anti-demokratiko, at ‘di pwedeng ulitin.”

 

Lito Ocampo: “Kasi sa akin kasi, ‘yung naging karanasan ko, unexpected ang pagka-biktima ko. Gusto ko ipadama sa mga kabataan at next generation ang naging karanasan naming, sabi nga eh, darkest days of Martial Law. Sa akin, totoo ‘yun, nahinto ako sa pag-aaral, nag-fulltime ako sa ganitong trabaho. Sana di na maulit. Dapat sa mga kabataan ay mag-research pa tungkol sa Martial Law at sa Martial Law victims.”

 

Dee Ayroso, 43, Palanca awardee and daughter Alab Mirasol, 12

Dahil ‘yung mga may gawa ng Martial Law, ‘yung mga Marcos, wala namang naparusahan du’n eh. Kahit napaalis na ang rehimen, nagpatuloy ang human rights violations, ang mga gawaing panunupil sa mamamayan. Marami sa mga kasamahan ko sa Desaparecidos, dinukot ang mga kamag-anak nung panahon ni Cory (Aquino), marami din ang namatay noong panahon ni Cory, sa mga sumunod na rehimen ay ganoon din. ‘Yung asawa ko ay nawala February 2002, noong panahon ni Gloria Arroyo. Pati mga anak ko ay biktima, kaya dapat ay namumulat sila na ‘di pa din natatapos ang Martial Law at kailangan natin maningil, at nagpapatuloy yung mga kasamaan na nangyari noon.”

 

Bobby Malay, 78, Retired teacher

Hindi naman lahat tayo makakatanda. Natural lamang sa human memory na makakalimutan natin, it’s a natural process. Kami na nanggaling sa generation na ‘yun, eh anxious kami na sana, dahil napaka-importante para sa amin, at sa tingin namin ay importante para sa bansa, yung naging pagkilos namin, ayaw naming makalimutan. At ‘yun ang itinuturo namin sa aming mga anak. Noong Martial Law, bawal lahat, kundi ang anong gusto ng isang tao, hindi natin gusto ‘yun. Ako, confident ako na ‘di na papayag ulit ang mga Pilipino na magkaroon ng ganoong leader.”

 

Kai San Diego, 16, Fine arts student

Para hindi maulit kasi hindi siya karapatdapat sa bansa natin. Nakakalungkot kasi may mga kakilala ako na ‘di na kilala si Marcos at kung anong ginawa niya. Ang itinuturo lang ay kung ano ‘yung  magagandang nagawa niya, hindi ang torture, hindi ‘yung nangyayari sa likod ng media.”

 

 

©2012 ABC Development Corporation. All Rights Reserved.