InterAksyon.com
The online news portal of TV5
Tatay,
Alam ko, lahat ng sinusulat kong essays ay nabasa niyo. Sa maraming pagkakataon lagi ko kayong nababanggit sa mga sinusulat ko. Hindi ko alam kung ano'ng nararamdaman niyo noon tuwing nababanggit ko kayo. Marahil hindi ko na malalaman pa.
Hindi ko lang alam kung mababasa niyo pa ito; nagbabakasakali lang ako. Baka may Internet connection din naman d'yan. O baka may mag-print nito para sa inyo, tulad ng ginagawa ni Inay dati.
Maraming pagkakataon akong nasayang. Dapat matagal ko nang ginawa ito ngunit hindi ko alam kung paano sisimulan o paano tatapusin. Hindi ko alam kung ano’ng pumipigil. Siguro takot akong magpakita ng emosyon sa inyo, tulad ng kinalakihan naming magkakapatid.
Naiintindihan ko rin naman bakit ganoon; lumaki din kayo sa feudal na lipunan at konserbatibong pamilya. Ang magpakita ng emosyon ay isang kahinaan at dapat maging matatag dahil masakit ang hagupit ng buhay.
Tuwing nakakainom kayo, doon niyo lang naikukuwento sa amin ang masakit na naranasan niyo nang kabataan niyo sa kamay ng mga mapang-aping mayamang angkan ninyo. Ang alak ang nagiging tagapagsalita ninyo: nagsasabi sa amin kung gaano kayo inapi ng mayayaman at malupa ninyong tiyo at tiya at mga pinsan. "Sapagkat ang aking ina ay nakipagtanan sa isang mahirap na magsasaka na itinuturing nilang putok sa buho," ang sabi ninyo dati. Ang galit niyo noong kabataan ninyo ay dala-dala ninyo hanggang sa pagtanda na siyang sugat na lumipat hanggang sa sunod na henerasyon. Nitong huli na lang namin napagtanto na ang alak na aming kinatatakutan at kinamumuhian ay ang tumulong sa inyo sa pagsalo ng mga kinimkim na galit sa sa mundo.
Naiintindihan ko rin kung bakit ganoon na lang ang pagmamalasakit ninyo sa mga naghihirap at naapi sa iba't ibang sulok ng Pilipinas. Kung bakit niyakap ninyo ang idelohiyang masyadong masalimuot para sa makikitid ang utak dito sa lipunang ating ginagalawan. Ngunit hindi ko na napaabot sa inyo ito.
Nabanggit sa akin ng Tiyo na ang isa sa pinaka-regret ninyo ay hindi niyo kami nabigyan ng marangyang buhay dahil ang pagtulong sa mga naapi, walang kalayaan, at walang kapangyarihan ay hindi magdudulot kailanman ng salapi o kasaganahan. Pero, Tatay, hindi naman namin hinangad yumaman; sapat na sa amin ang kung anong meron tayo. Ngunit hindi ko na nasabi sa inyo ito. Hindi ko masabi --- dahil akala ko naiintindihan nyo na.
Marami tayong hindi pagkakaintindihan at maraming hinanakit na hindi nasabi. Marahil sa takot baka hindi ninyo maintindihan ang aming nais sabihin. O marahil nahihiya kaming magpakita ng emosyon. Ang emosyon ay isang kahinaan na dapat magapi. Corny magpahiwatig ng nararamdaman.
Napakahirap ninyong maabot. Hindi namin alam kung paano papasukin ang inyong napakatigas na balatkayo. Kung nagawa lang namin iyon, makikita namin doon sa loob ang isang batang nagmumukmok at humihingi ng tulong. Marahil naging makasarili at madamot kami at hindi namin hinanap ang batang iyon. Ang inisip lang namin ay kung gaano kami nasaktan at ang sariling pagmumukmok lang ang inatupag.
May nagsabi sa akin, medyo nagalit kayo sa Diyos sapagkat hindi ninyo maintindihan kung bakit hinahayaan Niya na dumanas ng sakit at kamatayan ang naghihirap at ang mga walang kwentang tao na nagpapakasasa sa buhay at nangaabuso ng kapwa ay hinahayaan Niya lang magpatuloy kanilang gawain na walang pasakit o hirap. Tatay, kahit sino walang makakasagot nito. Huwag na sana kayong magtampo sa Kanya. Pero mukhang nakipagbati ka na nung Huwebes, di ba?
Ang mga galit na ito ay nagbunga rin ng poot sa loob namin. Ang poot na ito ang naging hadlang upang makinig ng mga kwento sa aming pagtulog --- ang mga karanasan sa bundok, sa kapatagan, sa kagubatan, at sa karagatan na inyong tinahak. Ang naging hadlang upang maintindihan ang mga kuro-kurong dapat maibahagi. Ang poot na ito ang dahilan kung bakit bulag kami sa mga katotohanan: na ang pagmamahal nyo sa aming mga anak na higit pa sa ano mang pagmamahal na maari naming makamtan. Sabi nga sa amin, kahit saan mang lupalop kayo nanggaling, putikan kayong uuwi sa bahay pagkagat ng dilim upang makita kaming mahimbing na natutulog. Noong kabataan nyo mahilig kayo sa mga bagong gamit at damit tulad ng paborito n'yong Banlon shirts; pero dahil sa amin, ilang taon na ang butas ninyong Advan na sapatos ay hindi pa ninyo pinapalitan. Mas kelangan daw namin ang bagong sapatos.
Tatay, ang tanging pagkakataon na tayong nakakapagusap noon ay sa pamamagitan ng gitara at piano. Alala nyo ba noon kung paano tayo magkantahan noon, lalo na pag nawawalan ng kuryente sa bahay? Naaala nyo ba noon kung paano tayo gumawa ng napakagandang musika sa bahay? Musika, isang napakagandang pabaon sa amin. Kahit na kapos, pinag-aral nyo kami ng piano, binili ng gitara, at pinag-aral sa magaling na maestro upang marating ng boses ang hindi marating ng karaniwang Juan o Maria.
Nitong nakaraang apat na taon saka lang tayo nagtagpo ang isip. Natuto kaming makinig, hindi lang bilang anak ngunit bilang tao na nagmamalasakit din.
Ngunit hindi ko masabi ang lahat ng ito.
Hindi ko masabi, Tatay, na hindi man tayo naging mayaman, mahalagang naituro mo sa amin ang magmahal sa bayan nang taos-puso at walang kapalit na hinahantay. Hindi man kami nasa matataas na posisyon ngayon, ang mahalaga ay natutunan namin na ang pera ay hindi mahalaga sapagkat ito'y maaring kitain muli ngunit ang magbenta ng kaluluwa ay hindi na mabubura, hindi na mababawi. Itinuro nyo sa amin na ang manindigan sa prinsipyong pinaniniwalaan ay hindi madali, bagkus ito'y magdudulot ng sakit at pahirap. Marami kang makakaaway at maraming masasakripisyo ngunit, Tatay, wag kang mag-alala, makakatulog naman kaming mahimbing.
Masakit ang magmahal nang hindi naibabalik naman ang inialay na pag-ibig. Bakit nga ba umiiyak tayo pag nababasted o bine-break tayo? Sana naman hindi niyo ito naramdaman sa aming mga anak ninyo. Sana naman kahit papaano naipaalam namin sa inyo na ang pag-ibig ninyo ay naibalik din namin sa inyo. Hindi man sa salita --- sapagkat salat kami sa pangungusap o salita --- pero kahit papaano naiparating namin sa inyo. Marahil, walang ibang pinakamasakit na trahedya sa buhay ang malamang hindi ka mahal ng iyong anak.
Kaya sana, Tatay, nababasa niyo ito. May Internet connection din naman sa langit, di ba?