1. “Sa mga sumubaybay at mga tumangkilik sa aking career, sa lahat ng mga napatawa ko at napaluha, sa mga buhay pa at patay na–kung kayo ma’y nasaktan ko, patawarin n’yo ako; at kung kayo ang nagkasala sa aki’y pinatatawad ko na kayo.”
2. “Ang mga talagang minahal ko, mabibilang sa daliri ng mga kamay. Huwag na nating bilangin ang naka-fling, at masisira ang abacus ng Intsik!”
3. “Sabihin pang may paborito ako sa mga anak ko, sabihin pang mas ipinagmamalaki ko ang iba na mayro’ng gustong gawin sa buhay nila, pare-pareho ko silang mahal.”
4. ”Ang pinaka-criticism sa mga movies ko dati, bakit daw nagto-toilet humor. Pero depende naman ‘yon sa sitwasyon. Kung sa squatter nakatira ang mga main character, na mga walang tag-isang kasilyas sa bahay, natural na magkaroon ng mga ganoong eksena.”
5. ”Sinasabing magaling daw sa drama ang mga comedian. Hindi ko alam kung bakit. Wala akong teorya diyan. Basta from my end, naranasan ko na lahat — hirap, gutom, ang mga anak na perhuwisyo’t may bisyo, ang ma-in love, at mahiwalay. Napagdaanan ko na’ng lahat, kaya nasasakyan ko kapag ginagampanan ko na.”
6. “Alam kong nabansagan akong bombilya, pero imposibleng dahil do’n. Kumalat ‘yon after na lang ng ‘El Pinoy Matador’. Ang costume kasi ng torero, tuwing isusuot mo ‘yon, walang underwear, so hapit na hapit. ‘Yung mismong puwet na puwet na sa likod, at pagka humarap ka, naka-marka talaga ‘yong iyo, para ngang bombilya.”
7. “Ang tsismis sa RVQ, nagkaro’n daw ako ng relasyon sa lahat ng leading lady ko. Hindi naman totoo ‘yun. Mayro’n ding hindi natuloy. Hindi ko niligawan, at hindi kailan naisipang ligawan, ang favorite leading lady ko, si Nida Blanca.”
8. “Mabubuhay uli ang sitcom. Mananawa rin ang public sa puro iyakan ng iyakan. Maski nga ngayon, nakikita mo nang kinakapos na sila sa materyales.”
9. ”No regrets ako sa buhay, halos lahat naabot ko. Maaaring hindi ako naging multi-millionaire na mayamang-mayaman, pero I consider myself na mayaman dahil marami akong kaibigan.”
10. “Kung makaharap ko na si Lord at pagbibigyan Niya ako ng isang hiling, ang hihilingin ko, peace talaga. Hindi lang dito sa atin, kundi sa buong mundo. And then sasabihin ko, ‘Kayo na lang ang talagang nakakaalam kung ano’ng ginawa kong masama at kung ano’ng ginawa kong mabuti. Siguro naman ho mas maraming mabuti. Kung mayro’ng masama, aaminin ko ho, ‘kinukumpisal ko na. Hindi ho ako nagkulang ng pagtawag sa Inyo; husgahan N’yo na ako.’”
(Excerpts from “Dolphy: Hindi Ko Ito Narating Mag-isa” as told to Bibeth Orteza, 2008, published by Kaizz Ventures, Inc. for the benefit of Dolphy Aid Para sa Pinoy Foundation.)









